October 13, 2025 | 12:00am
INUBOS ni Guava ang maligamgam na nilagang dahon ng bayabas. Straight. Hindi makapaniwala si Apol sapagkat alam niyang may kapaitan ang nilagang dahon ng bayabas. Alam niya sapagkat ginagamit itong panglanggas sa sugat.
Ang hindi maintindihan ni Apol ay kung sino ang naghatol kay Guava na uminom ng nilagang dahon ng bayabas.
Naisip lang kaya iyon ni Guava?
Pero maiisip kaya niya iyon gayung ilang raw na itong masama ang pakiramdam. Halos hindi nga makakain ng nilutong aroskaldo dahil nasusuka.
Pagkatapos maubos ang pinaglagaan ng dahong bayabas ay naidlip muli si Guava.
Lumabas si Apol at nagtungo sa kusina. May natira pang pinaglagaan ng dahon ng bayabas. Kapag hihingi pa si Guava ay meron pang isang baso.
Naidasal ni Apol na sana, bumuti na ang pakiramdam ni Guava. Problemado na siya dahil kargo niya ang dalaga kapag may nangyari rito. Siya ang mananagot sakali at may mangyari.
Muli, naitanong ni Apol sa sarili kung saan nakuha ni Guava ang ideya na uminom ng nilagang dahon ng bayabas.
Baka kaya sa mga magulang nito?
O sa ibang matatanda na nakakausap?
KINABUKASAN, tsinek ni Apol ang kalagayan ni Guava. Naabutan niyang nakaupo ito sa kama at may binabasa sa cell phone.
Bumaba si Guava sa kama nang makita siya.
“Kumusta ang pakiramdam mo, Guava?”
“Mabuti na, Apol.”
“Wala ka nang lagnat?”
“Wala na!”
Kinuha ni Guava ang palad ni Apol at dinampi sa noo.
(Itutuloy)