Bubot na Bayabas (9) | Pilipino Star Ngayon


MAHALAGA kay Apol na mula sa maayos na pamilya ang babaing makakasama sa buhay. Gusto rin niya ay katulad niyang nakatapos ng pag-aaral. Maha­laga rin sa kanya­ na mabait at maunawain ang babae. Kahit na hindi perpekto ang ganda ay okey na sa kanya.

Kung ang ipakikilala sa kanya ni Kit ay hindi tutugma sa kanyang pamantayan, hindi muna siya mag-aasawa. Makapaghihintay pa naman siya dahil treinta anyos lang siya. Kahit abutin siya ng kuwarenta anyos okey lang.

Siguro sa pagsapit niya ng kuwarenta ay marami na siyang ipong pera. Hindi na siya matitigatig sa pag-aasawa. Mahalaga talaga sa kanya na maraming na­­­ipong pera bago magpa­kasal. Ayaw niyang maghihirap ang itatayong pamilya.

Naging model ni Apol ang kanyang namayapang ama, na nabigyan sila nang maayos na buhay. Hindi niya natandaang naghirap sila. Kuwento ng papa niya, marami itong naipon bago nagpakasal ng kanyang mama. Nakapagpundar ng sariling bahay at lupa noong binata pa. Ang papa niya ay hepe ng production ng isang sikat na Tagalog magazine. Matagal na nagtrabaho roon ang kanyang papa. Nang magretiro ay malaki ang natanggap. Ma­laki rin ang pension sa SSS.

Nakabili rin ang mga magulang niya ng dalawang lote na ipinamana sa kanilang dalawang magkapatid. Itong tinitirahan niya ngayon ang namana niya.

Ang kanyang papa ang ginagaya ni Apol. Laging sinasabi ng kanyang papa na kapag daw nag-save ay tiyak na masi-save pagdating ng panahon. Kaya nagsi-save siya nang todo para ma-save sa kinabukasan.

 

DUMAAN ang isang linggo at walang ipinaki­kilalang babae kay Apol ang kumpareng si Kit.

Nagdaan ang isang buwan at wala pa rin.

Baka binibiro lamang siya ni Kit. Wala siguro itong ipakikilalang babae sa kanya.

Minsan, inusisa niya ang punong bayabas sa bakuran.

Nagulat siya sapagkat maraming hinog. Namumutiktik sa bunga.

 (Itutuloy)