October 23, 2025 | 12:00am
May mga taong nag-i-interpret ng panaginip. Kung maipai-interpret niya ang napanaginipan ni Guava, maaring malaman niya kung sino ang babaing napanaginipan nito. Ayon kay Guava, ang babaing napanaginipan na nagpayo na maglaga ng dahon ng bayabas ay ang babae ring nagbigay ng tsinelas, maraming taon na ang nakararaan. Nakapagtataka kung bakit lumutang sa panaginip ni Guava ang babae pagkalipas nang matagal na panahon. Ayon kay Guava, 13-anyos siya nang makita ang babae at iregalo nga ang tsinelas.
Naisip ni Apol, dapat makahanap siya ng taong nag-i-interpret ng panaginip. Dapat ay ‘yung propesyunal ang hanapin niya. Pero saan siya maghahanap. Sa Quiapo kaya?
Nang bisitahin niya si Guava makalipas ang dalawang araw, sinabi niya ang balak na maghanap ng dream interpreter.
“Maghahanap ako ng mag-i-interpret ng napanaginipan mo Guava.”
“Saan, Apol?”
“Sa Quiapo—magtatanong ako roon.”
“Huwag.”
“Bakit?”
“Baka lokohin ka lang. Hindi naman talaga sila nag-i-interpret ng panaginip—manghuhula sila.”
“Saan ako maghahanap?”
Nag-isip si Guava.
(Itutuloy)