December 3, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kahit may tangan na twice-to-beat advantage ay tiyak na mapapalaban ang top seed National University kontra last year’s runner-up De La Salle University sa semifinals ng UAAP Season 88 collegiate men’s basketball na lalaruin sa Smart Araneta Coliseum ngayong araw.
Nilapa ng Bulldogs ang Green Archers sa eliminations, pero ayon kay head coach Jeff Napa ay iba na itong labanan sa Final Four na magsisimula sa ala-1:30 ng hapon.
Inamin pa ni Napa na hindi garantisado ang nasabing bonus para makalaro sa finals.
“Hindi naman namin iniisip kung ano na-aachieve namin ngayon ‘eh. Ang importante kasi sa namin ay yung performance pa rin namin at the highest level. Bonus kung ano yung na-achieve namin ngayon, pero kung hindi kami maglalaro at our level na gusto namin, balewala ‘yan,” ani Napa.
Pakay ng NU na masiguro ang pag-usad sa finals kaya asahang itotodo nila lahat ng kanilang lakas, tiyak naman na nakahanda ang La Salle sa kanilang mararanasang hirap.
Samantala, magtatapat sa pangalawang laro sa alas-4:30 ng hapon ang defending champion University of the Philippines at University of Sto. Tomas sa isang pares ng final four match.
Malaki ang tsansa ng Fighting Maroons na umusad sa susunod na phase dahil nabiyayaan sila ng twice-to-best advantage.