Buntis, ipinabago ang kulay ng mata upang maging blue ang mata ng sanggol sa sinapupunan!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 18, 2025 | 12:00am

ISANG Russian cosmetologist ang naging viral at ginawang katatawanan sa social media matapos niyang ipahayag na sumailalim siya sa isang procedure upang baguhin ang kulay ng kanyang mata habang buntis. Ang kanyang layunin? Upang matiyak na ang kanyang magiging anak ay ipanganak na may asul na mata.

Maraming procedure ang nagpapahintulot sa pagpapalit ng kulay ng mata, tulad ng laser treatment o corneal tattooing. Ngunit ang babae ay naniniwala na ang pagbabagong ito sa kanyang mata ay maipapasa niya sa kanyang unborn child dahil ayon dito, “automatic na maaayos ang DNA ng kanyang baby”.

Sa isang podcast, ibinahagi niya ang kanyang “teorya” at desisyon. Bagama’t walang overt reaction mula sa host, labis na kinutya at pinuna ng publiko ang kanyang pahayag. Pabirong ikinumpara pa ng mga netizen ang kanyang kakatwang lohika sa iba pang di-makatotohanang ideya, tulad ng pagpapa-laser hair removal para maging hairless ang anak.