MANILA, Philippines — Isa na namang Pinay triathlete ang umuusbong sa ngalan ni Anisha Caluya na nakasikwat ng silver medal sa katatapos na 2025 Subic Bay International Triathlon Asia Cup sa Subic Bay Freeport Zone sa Zambales.
Nagtala si Caluya ng isang oras, 11 minuto at 18 segundo upang angkinin ang ikalawang puwesto sa Junior Elite Female Category Sprint Distance na may 750m swim, 20km bike at 10km run.
“Silver and first Filipina junior elite finisher. Three months in the making, and it’s full of surprises already,” sabi ng 18-anyos na mag-aaral ng De La Salle-Zobel
Bahagi rin si Caluya ng Behrouz Elite Swimming Team (BEST) na kilala sa may malalim na swimming program para sa mga bagitong swimmers na miyembro nito.
Nagpasalamat si Caluya kina swimming coach Sherwyn Santiago at triathlon coach Pawie Fornea na dating miyembro ng national triathlon team.
Nanguna si Okuma Yuhiko ng Japan na nagsumite ng 1:08:13, habang pumangatlo ang isa pang Pinay na si Aira Danara Gregorio na nagrehistro ng 1:12:17.
“The entire BEST family is incredibly proud of her achievements and excited about her potential in triathlon and for the Philippine national team,” pahayag ni BEAT team manager Joan Mojdeh kay Caluya.