October 25, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Winakasan ng Jose Rizal University ang two-game losing skid matapos gulatin ang nagdedepensang Mapua University, 66-63, sa crossover eliminations ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.
Umiskor sina Justin Lozano at Allan Laurenaria ng tig-13 points para sa 4-4 record ng Heavy Bombers sa Group B.
Nahulog ang Cardinals sa ikatlong dikit na kamalasan para sa 3-4 marka sa Group A.
Lubos na nag-alala si Jose Rizal coach Nani Epondulan nang tumama sa sahig ang ulo ni Lozana sa pagtangkang supalpalin ang tira ni Cyrus Nitura ng Mapua sa huling 2:08 minuto ng fourth quarter.
Nagkamalay naman si Lozana, ngunit kailangan pang tingnan ang kalagayan, ayon kay Epondulan.
May dalawang puntos lamang si Season 100 MVP Clint Escamis mula sa masamang 1-of-7 field goal shooting sa panig ng Cardinals.
Sa unang laro, bumira si Fil-Am Janti Miller ng 20 points sa 76-53 pagsakmal ng San Beda University sa Arellano University.
Ang ikatlong sunod na arangkada ng Red Lions ang nagtaas sa kanilang baraha sa 5-1 sa Group B, habang laglag ang Chiefs sa 3-4 karta sa Group A.
