Carpal tunnel syndrome at panganib ng tetano


KAPAG ang ugat ay nabarahan o namaga, naiipit at naka­aapekto sa pakiramdam at paggalaw ng kamay, ang tawag dito ay carpal tunnel syndrome. Kung hindi ito gagamutin, posibleng permanenteng masira ang nerve at muscle.

Ang mga factors sa pagkakaroon ng carpal tunnel syndrome ay ang mga mabibigat na trabaho dahil sa pressure sa palad, paulit-ulit na pagbubuhat ng mabibigat at ma­tinding pagkilos ng kamay.

Ang mga sintomas ng carpal tunnel syndrome ay:

Tingling o pamamanhid ng hinlalaki, hintuturo, gitnang daliri at palasingsingan. Ang ganitong pakiramdam ay nara­ranasan sa gabi at paggising. Gayundin habang nagma­maneho, may hawak na telepono o diyaryo.

Sintomas din ang pakiramdam na parang nanghihina ang mga kamay kaya may pagkakataon na nabibitawan ang hawak.

Narito ang tips sa carpal tunnel syndrome:

1. Ipahinga ang kamay – Sa bawat oras ng trabaho, magpahinga ng kahit limang minuto, dahan-dahang i-stretch ang palad at kamay.

2. Baguhin ang iyong mga gawain – Mas mabuti kung baguhin o ibahin ang mga gawain kung ito ay posible.

3. Ideretso ang kamay – Iwasang baluktutin ang palad ng pataas o pababa. I-relax o ‘wag masyadong higpitan ang paghawak. Iwasan humawak ng mahigpit habang nagma­maneho, nagbibisikleta at nagsusulat.

4. Lagyan ng hot compress ang kamay – Puwede ring magsuot ng gloves para mapanitiling mainit ang kamay at palad.

5. Gumamit ng wrist splint sa gabi para deretso ang porma ng kamay – Ang wrist splint ay nakatutulong mabawasan ang sakit o pamamanhid ng palad at kamay. Ang splint ay dapat na hindi sobrang sikip. Ayaw natin naka-baluktot ang kamay dahil naiipit ang nerve.

6. Kung ang sintomas ay lumalala, magpatingin sa doktor­ – Ang splints, therapy o injection ay puwedeng ireko­menda ng doktor. Kung nawawalan na ng lakas ang kamay, puwede itong operahan kung kinakailangan.

***

Tetano

Ang tetano ay seryosong impeksiyon na umaatake sa nerves ng tao. Ang clostridium tetani ay isang bacteria na nagdudulot ng tetanus infection. Pumapasok ang bacteria sa loob ng katawan sa pamamagitan ng sugat sa balat. Kung mas malaki at mas marumi ang sugat ay mas mataas ang tsansa ng tetano.

Dahil dito, kahit anong sugat ay dapat linisin agad para hindi pasukan ng bacteria na tetanus. Nakikita ang nasabing bacteria sa lupa at maruruming lugar.

Ang sintomas ng tetano ay ang lagnat, paninigas ng bibig at mga masel sa leeg. Nahihirapang lumunok at naninigas ang tiyan at katawan. Madaling masilaw at maingayan.

Kapag nagkaroon ng sintomas ay mahirap na itong gamutin. Puwede itong umabot sa hirap ng paghinga, pagkabit sa isang ventilator at pagkamatay. Kaya kailangan na dalhin agad sa ospital. 

Mas madali ang pag-iwas sa tetano kaysa sa paggamot nito. Hanggang ngayon, wala pang tiyak na lunas sa tetano. 

Sundin ang mga sumusunod na payo:

1. Huwag balewalain ang paso at sugat kahit gaano man ito kaliit. Lalo na ang mga sugat mula sa paputok, pagkabaril, aksidente at maruming bakal at bagay.

2. Bilang pangunahing lunas, hugasan ang sugat ng sabon at malinis na tubig. Kapag marumi ang sugat, pumunta sa doktor para malinis ito ng maigi. 

3. Pumunta agad sa health center o ospital para mabigyan ng bakuna kontra tetano. Nagbibigay din ang doktor ng antibiotic para mabawasan ang iba pang mikrobyo.

4. Kung wala pa kayong bakuna sa tetano, puwede nang magpabakuna laban dito kahit wala pang sugat. Binibigay ang booster dose (o dagdag bakuna) bawat 10 taon.

5. Maging malinis sa katawan. Sugat ay ingatan at huwag balewalain. Kumonsulta agad sa doktor.