Pilipino Star Ngayon
February 28, 2025 | 12:00am
DETROIT — Umiskor si Malik Beasley ng 26 points habang tumipa si Cade Cunningham ng 21 points at 11 assists para banderahan ang Pistons sa 117-97 paggulat sa nagdedepensang Boston Celtics.
Dumiretso ang Detroit (33-26) sa kanilang pang-walong sunod na ratsada at tinapos ang 12 dikit na kamalasan sa Boston (42-17).
Nagdagdag si Jalen Duren ng 13 points at 11 rebounds para sa Pistons na may 49-33 rebounding edge.
Naglista si Jayson Tatum ng 27 points sa panig ng Celtics na nagwakas ang six-game winning run habang may tig-18 markers sina Derrick White at Payton Pritchard.
Nagtabla sa halftime, 55-55, umiskor ang Detroit ng 35 points sa third period patungo sa pagpoposte ng 19-point lead sa Boston sa fourth quarter.
Sa New York, nagtala si Shai Gilgeous-Alexander ng 27 points at humakot si Chet Holmgren ng 22 points at 17 rebounds sa 129-121 panalo ng Oklahoma City Thunder (47-11) sa Brooklyn Nets (21-37).
Sa New York, kumamada si Jalen Brunson ng 34 points at may 28 markers si Mikal Bridges sa 110-105 paggiba ng Knicks (38-20) sa Philadelphia 76ers (20-38).
Sa Chicago, kumonekta si James Harden ng pitong three-pointers at tumapos na may 30 points para tulungan ang Los Angeles Clippers (32-26) sa 122-117 paglunod sa Bulls (23-36).
Sa Indianapolis, nagkuwintas si Tyrese Haliburton ng 33 points at 11 assists sa 111-91 pagsapaw ng Indiana Pacers (33-24) sa Toronto Raptors (18-41).