Chameleons lubog sa Cool Smashers


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

November 7, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Naisuko man ang first set ay kaagad buma­ngon ang nagdedepensang Creamline para patumba­hin ang Nxled, 20-25, 25-13, 25-16, 25-18, sa se­cond round ng 2025 PVL Reinforced Conference kahapon sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City.

Hinataw ng Cool Sma­shers ang back-to-back wins para itaas ang baraha sa 4-2 at solohin ang No. 4 spot.

Nahulog naman ang Chameleons sa 0-6.

“We just really have to follow iyong mga of course, iyong positions namin sa loob, iyong mga excutions namin,” ani Michele Guma­bao na umiskor ng 13 points para sa Creamline. “We really have to minimize our errors and do better sa attacks namin, iyon talaga iyong kulang sa first set.”

Ang tinutukoy ng 33-anyos na si Gumabao ay ang 25-20 panalo ng Nx­led sa first frame bago na­katabla ang Creamline sa second set, 25-13.

Sinandalan ng Cool Smashers sina American import import Courtney Schwan, Tots Carlos at Sheena Toring sa third set para sa kanilang 2-1 ben­tahe sa laro.

Sa fourth frame inilista ng 10-time PVL champions ang 22-12 bentahe bago nakalapit ang Chameleons sa 17-22 sa likod ni Spa­nish reinforcement Paola Martinez.

Ngunit umiskor si Carlos bilang bahagi ng 3-1 ata­ke ng Creamline para selyuhan ang kanilang four-set win.

Tumapos si Schwan na may 14 points para sa tropa ni coach Sherwin Me­neses, habang nagdagdag sina Pangs Panaga at Car­los ng 12 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod.

Naglista si setter Kyle Negrito ng 18 excellent sets at may 13 excellent digs si libero Kyla Atienza.

“I think we tried to find joy again. I think that first set we were a little tense and we were not playing our normal kind of volleyball and we were kinda hesitance,” ani Schwan.

Sunod na lalabanan ng Cool Smashers ang Choco Mucho Flying Titans sa Nob­yembre 13.

Pinamunuan ni Martinez ang Nxled sa kanyang 18 points mula sa 16 attacks, isang block at isang service ace.

Nag-ambag si Chiara Per­mentilla ng 14 markers kasunod ang siyam na puntos ni Lyann De Guzman.