August 27, 2025 | 12:00am
Debris bumagsak sa Palawan, Basilan
MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang paglulunsad ng China ng Long March 8A rocket na ang debris mula sa booster nito ay inaasahang bumagsak sa karagatan ng Palawan at Basilan.
Ayon sa PhilSA, ang inaasahang drop zones ay natukoy sa El Nido, Palawan; Tubbataha Reef Natural Park at Hadji Muhtamad, Basilan.
Ang rocket ay pinakawalan ng China kahapon ng alas-3:09 ng madaling araw (oras sa Pilipinas) mula sa Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan. Nagbigay ng Notice to Airmen (NOTAM) bago ang paglulunsad ng rocket at nagbabala rin sa ‘aerospace flight activity’ sa mga apektadong lugar.
Nagbabala naman ang PhilSA sa hindi pa nasusunog na parte ng rockets tulad ng boosters at fairings na delikado ito sa mga barko, eroplano at mga bangkang pangisda na daraan sa drop zone.
Bagaman hindi naman inaasahang babagsak o tatama sa kalupaan at mga lugar na may populasyon, ang debris ay posibleng lumutang sa karagatan kung saan ang mga upper-stage components ay maaring makapasok sa kalupaan ng mundo na mahirap makontrol.
Pinayuhan rin ng ahensiya ang publiko na agarang i-report sa mga awtotidad ang anumang pinagsususpetsahang debris at pinagbawalan ang mga itong pulutin o kunin ito dahil nagtataglay ito ng nakalalasong residue tulad ng rocket fuel.