MANILA, Philippines — Handa na ang tatlong pambato ng Pilipinas na tutumbok sa Knight Shot Open na lalaruin sa Impulse Snooker & Billiards Cafe, Oud Metha, Dubai, UAE, ngayong araw.
Nakalaan ang $52,000 prize fund na ikakalat hanggang sa last 16 survivors.
Pangungunahan ni former World Cup of Pool champion Johann Chua ang kampanya ng mga Pinoy kasama sina James Aranas at AJ Manas kaya malaki ang tsansa nila na masikwat ang korona.
Inaasahang dadaan sa butas ng karayom bago masilo ang pangarap na titulo nina, Chua, Aranas at Manas dahil sasargo rin ng bola ang mga tigasing bilyarista sa pangunguna ni two-time WPA World Champion Francisco Sanchez Ruiz ng Spain at Fedor Gorst ng USA.
Kabilang sa mga nagpalista ay sina David Alcaide ng Spain, 2014 WPA World Nine-ball championship king Niels Feijen ng Netherlands at Mortz Neuhausen ng Germany.
Hahablutin ng first runner-up ang $7,000, tig-$3,500 ang dalawang semifinalists habang tig-$2,600 ang apat na quarterfinalists.
Samantala, matikas ang tumbok ni Chua ngayong 2025 dahil may apat na korona na siyang naibubulsa.
Nanalo si Chua sa Hoang Phu Tho Pool Arena Open Nine Ball, Dragon Billiards Pro Series Ten-ball, Marboys Scotch Doubles Ten-ball Invitational at 99 David Loman Cup Nine-ball.
Nakipag-sanib puwersa si Chua kay Aranas noong mag-kampeon sila sa World Cup of Pool noong 2023.
