October 10, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Humakbang sa susunod na round sina Pinoy cue masters Johann Chua at Roberto Gomez matapos magtala ng magkahiwalay na panalo sa winner’s qualification ng Hanoi Open Pool Championship, 2025 kahapon sa Hanoi indoor Games Gymnasium sa Vietnam.
Kinaldag ng 2025 Knight Shot Open champion na si Chua ang kababayang si Jaycee Cordova Garcia, 9-5, habang ipinagpag ng 2007 WPA World Nine-ball Championship runner-up na si Gomez si Chang Pei Wei ng Chinese Taipei, 9-6.
Pangatlong sunod na panalo na nina Chua at Gomez sa event na nakalaan ang $200,000 prize fund na ikakalat sa last 64 pool players.
Ang iba pang Pinoy na umusad sa susunod na phase ay sina Marvin Asis na tinalo si Tat Duy Kien ng Vietnam, 9-7, Jeffrey Roda na tiniris si Dean Shields, 9-1, ng United Kingdom at Anton Raga na tinibag si Andri Januarta , 9-3.
Hahamigin ng magka kampeon ang $40,000, mapupunta sa second placer ang $16,000 at $10,000 ang ibibigay sa dalawang semifinalists at $7,000 sa apat na quarterfinalists.
Nag-aabang sina Chua, Gomez, Asis, Roda at Raga ng makakalaban sa susunod na laro.