Cignal babawi sa play-in tourney


MANILA, Philippines — Inaasahang babawi ang Cignal HD sa pagkatalo sa qualifying round sa kanilang pagsabak sa play-in tournament ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.

Makikipagduwelo ang HD Spikers sa Capital1 Solar Spikers ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang bakbakan ng Chery Tiggo Crossovers at Nxled Chameleons sa alas-4 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Minalas ang No. 3 Cignal sa No. 10 Galeries Tower, 17-25, 22-25, 25-29, 19-25, sa qualifying round na naghulog sa kanila sa play-in tournament kung saan paglalabanan ang huling dalawang quarterfinal ticket.

Sina Vanie Gandler, rookie Ishie Lalongisip, Jackie Acuña, Roselyn Doria, Gel Cayuna at Dawn Macandili-Catindig ang babandera sa HD Spikers.

Itatapat ng Solar Spi­kers sina Jorelle Singh, Heather Guino-o, Leila Cruz, Norielle Ipac, Patty Orendain, Trisha Genesis, Des Clemente-De Guzman at playmaker Iris Tolenada.

Kasado na ang quarterfinal showdown ng PLDT at Choco Mucho kagaya ng salpukan ng Akari at Gale­ries Tower.