September 5, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Namumurong umangat sa draft order ang Converge sa idaraos na 2025 PBA Rookie Draft sa Linggo sa SM Mall of Asia Music Hall sa Pasay.
Mula sa No. 8, segunda na pagpili ang FiberXers matapos masikwat ang rights mula sa Phoenix kapalit ni Bryan Santos bilang bahagi ng patuloy nitong pagpapalakas.
Dagdag sa trade ng dalawang koponan ang No. 8 pick at isang future 2nd round pick ng Converge na mapupunta na sa Phoenix bagama’t hindi pa naaaprubahan ng PBA sa kasagsagan ng Rookie Draft Combine sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Dahil dito, may tsansa ang Converge na bubuntot lang sa No. 1 picker na Terrafirma na makasikwat ng mga bigating pangalan sa draft na pinagbibidahan nina 6-foot-10 Geo Chiu, Jason Brickman, Dalph Panopio, Will Gozum at Juan Gomez De Liaño.
Si Brickman lang ang wala sa mga draft prospect sa pagsisimula ng Draft Combine kahapon dahil sa kanyang lakad sa Guam.
Mula naman sa 128 aplikante ay 126 na lang ang prospects ngayon matapos ang pag-atras nina Filipino-Foreign players Kareem Marcus Huntley at Wilfrid Nada dahil sa injury at kakulangan ng papeles.
Nasa likod nila ngayon ang Blackwater, NorthPort, NLEX, Magnolia, Meralco, Phoenix, San Miguel, Rain or Shine, Ginebra at Rain or Shine ulit na nasungkit ang 1st round pick ng TNT matapos ang trade nila noong 2023.
Para sa FiberXers, isa lamang ito sa offseason moves nila para sa misyong makabawi mula sa kabiguang makapasok sa semifinals ng Season 49 sa kabila ng pinalakas na roster sa pamumunonina No. 1 pick Justine Baltazara, Justin Arana, Schonny Winston at Alec Stockton.
Nakatakda ring makuha ng Converge si Larry Muyang mula sa Phoenix sa hiwalay na trade kapalit ni Jeo Ambohot na mapupunta sa Pureblends kapalit naman ni Evan Nelle.
Noong nakaraang season ay nakuha din ng koponan ni team owner Dennis Uy na tatrangkuhan ni Pampanga Vice Governor Dennis Pineda si Mikey Williams mula sa TNT kapalit ni Jordan Heading.
Nasa gitna pa ng negosasyon ang Converge at si Williams subalit kung maikakasa ang kontrata para sa PBA Season 50 sa susunod na buwan ay masisiguro ang pagparada nila ng palabang koponang kayang sumabay sa TNT, Ginebra, Rain or Shine at reigning champion San Miguel.
