February 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ang quarterfinal berth ang puntirya ng No 1 Creamline laban sa No. 12 Nxled sa paghataw ng knockout phase ng 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Haharapin ng Cool Smashers ang Chameleons ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng No. 3 Cignal HD Spikers at No. 10 Galeries Tower Highrisers sa alas-4 ng hapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Tinalo ng Creamline ang Nxled, 25-12, 25-21, 25-19, sa una nilang pagkikita noong Enero 28 para itayo ang 6-0 record sa eliminations.
“We’ll take it one game at a time,” ani Alyssa Valdez sa pagharap ng Cool Smashers sa Chameleons. “Definitely, I think one of the skills na na-improve ng halos lahat would be the system and the blocking eh. I guess we’re gonna work on our counter-attacks pa rin and basics, disiplina most definitely sa sistema namin.”
Kaagad nakabangon ang Creamline sa 25-15, 26-24, 25-19 sa paggupo sa Galeries Tower sa huli nilang laro matapos ang 28-30, 21-25, 25-23, 25-18, 14-16 kabiguan sa PLDT na nagmantsa sa kanilang 9-0 marka.
Laglag naman ang Nxled sa dalawang dikit na kabiguan matapos ilista ang unang panalo para sa 1-10 kartada.
Makakatulong ni Valdez para sa Cool Smashers sina Jema Galanza, Tots Carlos, Michele Gumabao, Kyle Negrito at Pangs Panaga katapat sina EJ Laure, Chiara Permentilla, May Luna, Lycha Ebon, Krich Macaslang at Lucille Almonte ng Chameleons.