Crossovers biyaheng Finals | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

August 13, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Sumampa ang Chery Tiggo sa Premier Volleyball League (PVL) Finals sa unang pagkakataon matapos magreyna noong 2021 Open Conference.

Pumalo sina Ara Ga-lang at Cess Robles ng tig-15 points sa 25-17, 16-25, 25-21, 25-23 pagligpit ng Crossovers sa Cignal HD Spikers sa kanilang knockout semifinals duel sa 2025 PVL on Tour kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Nagdagdag si Imee Hernandez ng 12 points at may 10 markers si Ren Peñafiel para sa Chery Tiggo na sinibak ang Galeries Tower sa knockout round at ang Nxled sa quarterfinals papasok sa semis.

“Malaking bagay iyong may nae-establish kang relationship, although si­yempre hindi siya smooth flowing during the training may mga bumps iyan eh. Pero but still hindi ko dapat i-give up iyong connection ko sa bawat isa kasi doon magbui-build iyong trust,” ani coach Norman Miguel.

Nabalewala ang 26 points ni Erika Santos at ang pagiging No. 1 team ng HD Spikers sa eliminasyon sa Pool B.

Sasagupain ng Crossovers sa one-game championship sa Linggo sa MOA Arena sa Pasay City ang mananalo sa semis duel ng Creamline Cool Smashers at PLDT High Speed Hitters na naglalaro pa kagabi habang isinusulat ito.

“Sobrang saya tsaka sobrang proud ako sa team ko. Pero siyempre, hindi pa tapos may Sunday’s game pa,” ani Galang na pumalo ng 14 attacks.

Matapos makatabla ang Cignal sa second set, 25-16, ay nakabalik sa kanilang porma ang Chery Tiggo at inangkin ang third frame, 25-21, sa likod nina Galang at Robles.

Ang off-the-block hit ni Robles ang nagbigay sa Crossovers ng 16-10 bentahe sa fourth set bago idinikit ni Santos ang HD Spikers sa 22-23.

Sinelyuhan naman nina Hernandez at Galang ang four-set win ng Chery Tiggo.