Curry inakbayan ang Warriors sa pagpapasabog sa Rockets


Pilipino Star Ngayon

February 15, 2025 | 12:00am

HOUSTON — Bumira si star guard Stephen Curry ng 27 points tampok ang limang three-point shots para tulungan ang Golden State Warriors sa 105-98 pagpapasabog sa Rockets.

Nagdagdag si guard Jimmy Butler ng 19 points pa­ra sa Gol­den State (28-27), habang may 18, 13 at 10 mar­­kers sina Brandin Podziemski, Draymond Green at Mo­ses Moody, ayon sa pagkakasunod.

Pinamunuan ni Aaron Holiday ang Houston (34-21) sa kanyang 25 points.

Ibinangko ni Rockets coach Ime Udoka sina Fil-Am Ja­len Green, Alperen Sengun at Dillon Brooks sa pagsisimula ng fourth quarter dahil sa masamang laro na nagresulta sa kanilang 24-point deficit.

Isang 11-2 atake ang ginawa ng Warriors para ma­kalayo sa 102-91 sa huling dalawang minuto ng laro tam­pok ang triple ni Curry at two-handed dunk ni Butler.

Ito ang pang-pitong kabiguan ng Houston sa huli ni­lang siyam na asignatura.

Sa New Orleans, nagpasabog si CJ McCollum ng 37 sa kanyang 43 points sa second half — kasama rito ang 11 points sa overtime — para tulungan ang Pelicans (13-42) sa 140-133 pagtakas sa Sacramento Kings (28-27).

Tinapos ng New Orleans ang kanilang 10-game losing skid bagama’t hindi naglaro si star foward Zion Williamson dahil sa injury.

Sa Dallas, umiskor si Dante Exum ng season-high 27 points para pamunuan ang Mavericks (30-26) sa 118-113 pagpapalamig sa Miami Heat (25-28).

Sa Minneapolis, humakot si forward Naz Reid ng 27 points, 13 rebounds at 7 assists para akayin ang Minne­sota Timberwolves (31-25) sa 116-101 pagpapatumba sa Oklahoma City Thunder (44-10).

Sa Salt Lake City, nagbagsak si Norman Powell ng season-high 41 points at nagdagdag si James Harden ng 32 markers para banderahan ang Los Angeles Clippers (31-23) sa 120-116 overtime win sa Utah Jazz (13-41).