Curry sumampa sa 25k-point club


SAN FRANCISCO — Umiskor si Stephen Curry ng 32 points para makasama sa 25,000-point club sa 115-110 pagpapatumba ng Golden State Warriors sa Detroit Pistons.

Kumonekta rin si Curry ng apat na three-pointers at kailangan pa ng pitong tres para ma­ging unang player sa NBA history na nagsalpak ng 4,000 triples.

Ipinasok ni Draymond Green ang isang go-ahead 3-pointer sa huling 35 segundo bago nakuha ang loose ball na nagresulta sa kanyang free throw para sa ikaapat na sunod na ratsada ng Warriors (36-28).

Nagtala si Jimmy Butler ng 26 points, 9 rebounds at 5 assists para sa kanilang pang-siyam na panalo sa huling 10 laro.

Kumamada si Cade Cunningham ng 31 points kasama ang isang layup sa huling 50 segundo na nagbigay sa Pistons (35-29) ng 110-109 abante.

Sa Boston, nagkadena si Jayson Tatum ng 40 points, 12 rebounds at 8 assists sa 111-101 pagdaig ng nagdedepensang Celtics (46-18) sa Los Angeles Lakers (40-22).

Sa Milwaukee, kumamada si Paolo Banchero ng 29 points at may 22 markers si Cole Anthony para tulungan ang Orlando Magic (30-35) sa 111-109 paglusot sa Bucks (36-26).

Sa Houston, bumira si Dillon Brooks ng 27 points at may tig-10 markers sina Alperen Sengun at Aaron Holiday sa 146-117 pagmasaker ng Rockets (39-25) sa New Orleans Pelicans (17-47).

Sa Atlanta, nagpasabog si Trae Young ng 36 points sa 120-118 pagdagit ng Hawks (30-34) sa Indiana Pacers (35-27).

Sa Miami, naglista si Josh Giddey ng 26 points sa 114-109 pagpapalamig ng Chicago Bulls (26-38) sa Heat (29-34).