Dahil sa droga kaya itinumba si Casauay


BANAT NI BATUIGAS — Bening Batuigas — Pilipino Star Ngayon

February 10, 2026 | 12:00am

Pinagbabaril hanggang mapatay ang pulis na si Renato Casauay. Pagkatapos ay inilibing ito sa septic tank ng isang bahay­ na pag-aari ng anak ng isang mamamahayag sa Bulacan.

Nakita sa CCTV ang pagdating ni Casauay sa lugar. Ka­sunod niyang pumasok ang naka-jacket na suspek.

Makalipas ang ilang sandali, nakarinig nang sunud-sunod na putok. Matapos iyon, normal na lumabas ang suspek sa pinangyarihan ng krimen.

Hanggang nadiskubre ang bangkay ni Casauay sa septic tank.

Ang krimen ay sampal sa kridibilidad ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., kaya lahat nang paraan ay ginawa upang malutas ang karumal-dumal na krimen.

Nag-offer si DILG Sec. Jonvic Remulla ng pabuyang P1-milyon sa makapagtuturo sa suspek na kinilalang si Monjieanne Julian Salamat. Naging asset umano ni Casauay si Salamat ukol sa droga.

Natunton ng mga pulis si Salamat sa Tagum City, Davao Del Norte. Ayon kay Bulacan Provincial Police Office Col. Angel Garcillano, bumiyahe si Salamat patungong Maynila, at sumakay ng eroplano patungong Cebu. Pagkatapos ay nagtungo sa Dumaguete City, Misamis, Lanao at Tagum City, Davao Del Norte kung saan siya naaresto.

Ayon kay Garcillano, may balak si Salamat na mangibang bansa para takasan ang pagpatay kay Casauay. Pito na ang naaresto kaugnay sa pagpatay kay Casauay. Ayon pa kay Gar­cillano, may apat pang personalidad na hinahanap at kabi­lang nga riyan ang isang mamamahayag.

Palagay ko ang pagpatay kay Casauay ay may koneksyon sa illegal dug operation. Teorya ko, pinatay si Casuay dahil sagabal ito sa pamamayagpag ng droga na pinuprotektahan ng kanyang mga kapwa pulis. Hinala ko rin, maaring nagka-onsehan ang grupo sa droga.

Natitiyak ko, may galamay ng drug syndicate sa PNP. Dapat tutukan ito ni Nartatez. Hindi dapat siya magpakaang-kaang.