SUPER bagal ang pagdedeport ng mga dayuhang sangkot sa illegal operation ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Napakarami pa ng mga dayuhan at guerilla operation ang ginagawa nila. Mas gusto nilang manatili rito at ipagpatuloy ang POGO kahit patago. Ipinagbawal ang POGO sa bansa noong Disyembre 31, 2024. Naglabas pa ng kautusan ang Malacañang ukol sa POGO ban.
Pero marami pa ngang dayuhan na nagmimintina ng POGO ang narito pa sa bansa. Noong nakaraang linggo, sinalakay ng PAOCC, CIDG, Department of Justice at Bureau of Immigration ang isang gusali sa reclamation area sa Pasay City.
Nalaman ko na may mga kakutsaba ang mga boss ng POGO sa city hall kaya hindi sila natatakot na salakayin ng mga awtoridad. Limpak na pera ang kinikita ng POGOs, kaya marami silang pangtapal sa mga korap na opisyales ng pamahalaan.
Dapat hulihin ang mga korap na opisyal na kakutsaba ng POGOs. Kung hindi mahuhuli ang mga korap, patuloy ang guerilla operations ng POGO. Dapat kumilos ang DILG at PAGCOR para mawalis na ang mga dayuhang nag-o-operate ng illegal POGOs.
Samantala, nadakma ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) si Simeon dela Cruz dating empleyado ng Unang Pamilya. Ayon sa CIDG, nakapanloko si Dela Cruz ng mga taong nais na magkaroon nang transaksyon sa pamahalaan at tinatayang daang-daang milyong piso ang nagantso ng suspek.
Ayon sa CIDG, nagpapakilalang Undersecretary si Dela Cruz sa kanyang mga target. Malalaking proyekto ang pinapasok ni Dela Cruz katulad ng infrastracture at supplys sa pamahalaan.
Noong nakaraang buwan, isang nagpapakilalang pinsan ni First Lady Lisa Araneta Marcos ang inaresto rin ng CIDG matapos makapanloko ng mga negosyante sa Western Visayas partikular sa Guimaras. Ayon sa CIDG malaking pera ang nagantso ng suspek.