Davison proud kina Bedonia at Prado


MANILA, Philippines — Sa pagbabakasyon ni star outside hitter Savannah Davison sa Canada ay nagpakitang-gilas sina Kiesha Bedonia at Jovie Prado sa kampanya ng PLDT sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) on Tour.

Sa katunayan ay tinulungan nina Bedonia at Prado ang High Speed Hitters sa paghataw ng 3-0 record sa Pool A bago dumating si Davison patungo sa kanilang pagwalis sa pool play at angkinin ang No. 1 seed sa quarterfinals.

“They’re two really strong players, they give me a hard time in practice so I wasn’t surprised that they showed up and put up points,” ani Davison kina Bedonia at Prado.

Bumira ang 22-anyos na si Bedonia ng ave­rage na 11.6 points per game sa limang laro ng PLDT, habang pumalo ang 28-anyos na si Prado ng 10.6 markers average.

Sa kanyang pagbabalik sa bansa at unang ensayo ay kasama ang Fil-Canadian sa mga ni-rescue matapos ma-stranded ang PLDT team sa SGS Gym sa Quezon City dahil sa pagtaas ng baha noong Hulyo 21.

Sa dulo lamang ng third set ipinasok ni coach Rald Ricafort ang reigning Best Outside Hitter ng 2025 All-Filipino Conference sa panalo ng High Speed Hitters sa Nxled Chameleons at Galeries Tower Highri­sers sa Cebu City leg.