De Brito kinuha ng Solar Spikers


MANILA, Philippines — Desidido ang Capital1 Solar Spikers na maki­pagsabayan sa nalalapit na pagbubukas ng bagong season ng Premier Volleyball League (PVL).

Kaya naman kinuha nito ang serbisyo ni Alas Pilipinas women’s team head coach Jorge Souza De Brito upang maging bagong coach nito sa susunod na kumperensiya ng PVL.

Malaki ang maitutulong ni De Brito sa Solar Spikers dahil malalim ang karanasan nito sa coaching.

Pormal nang inihayag ng Solar Spikers ang pagkuha nito kay De Brito sa kanilang mga social media accounts.

“Capital 1 Solar Spikers have appointed Jorge De Brito, current head coach of Alas Pilipinas as their franchise head coach,” ayon sa post ng Solar Spikers.

Papalitan ni De Brito si veteran coach Roger Gorayeb na magsisilbi na lamang na consultant ng team.

Ito ang ikalawang team ni De Brito sa PVL.

Matatandaang naging coach na ito ng Akari Chargers noong 2022 season.

Nagbitiw ito bilang coach ng Chargers noong 2023.

Isinentro na lamang ni De Brito ang kanyang atensiyon sa Alas Pilipinas.

Naging maganda ang ratsada ni De Brito sa Alas Pilipinas kung saan tinulu­ngan nito ang tropa na ma­sungkit ang tansong me­dalya sa 2024 Asian Volleyball Confederation (AVC) Cup.

Sa ngayon, isesentro muna ni De Brito ang atensiyon nito sa Alas Pilipinas na aarangkada sa 2025 AVC Women’s Volleyball Nations Cup na gaganapin mula Hunyo 7 hanggang 14 sa Hanoi, Vietnam.

Nangunguna sa lista­han sina three-time UAAP MVP Bella Belen ng National University at UAAP Rookie-MVP Angel Canino ng De La Salle University.

Nasa Pool B ang Alas Pilipinas kasama ang Kazakhstan, Iran, Indonesia, Mongolia at New Zealand habang magtutuos naman sa Pool A ang Vietnam, Australia, India, Chinese-Taipei at Hong Kong.