DLSU Green Archers nilapa ng NU Bulldogs


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

November 3, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Tumibay ang kapit ng National University sa tuktok ng team standings matapos lapain ang De La Salle University, 75-67, sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament kahapon sa  SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Tumikada si Steve Nash Enriquez ng 16 points para sa Bulldogs na inirehistro ang pangalawang sunod na panalo at ipinta ang 8-2  karta.

Nagkumahog sa opensa si Jake Figueroa matapos magtala lamang ng limang puntos subalit malaking bagay ang walong rebounds, anim na steals at anim na assists.

Laglag naman sa solo third place ang Green Archers mula sa hawak nilang 6-4 baraha.

“It’s about how we perform every game. It’s about how we put effort every game. It’s how we improve eve­ry game. Good thing everybody stepped up doon sa absence ng isa (Gelo Santiago) kaya nakuha namin itong panalo,” sabi ni NU head coach Jeff Napa.

Dahil sa panalo ay nakalayo ang Bulldogs sa defen­ding champion University of the Philippines Fighting Maroons na nasa ikalawang puwesto bitbit ang 6-3 marka.

“Nag-prepare kami nang maayos not just physically but mentally din kasi alam namin na nasa winning streak ang La Salle. Ginawa lang namin ‘yung best namin,” dagdag ni Enriquez.

Pinamunuan ni Omar John ang opensa para sa Green Archers sa kanyang inilistang 12 points, 8 rebounds, 3 blocks, 2 assists at 2 steals.

Sa ikalawang laro, tinakasan ng Far Eastern University ang Adamson University via overtime, 73-70.

Sinuwag ng Tamaraws ang 4-6 marka at tinapos ang four-game winning streak ng Soaring Falcons para sa 5-5 baraha nito.