Dolyares na ransom ni Que, na-freeze ng PNP!


MAY aabot sa $79,800 na ransom money na ipinadala ng pamilya ng kidnap victim na si Anson Que o Anton Tan ang napa-freeze na ng pulisya. Ayon kay PNP Anti-Cyber­crime Group director Brig. Gen. Bernard Yang ang nare­kober na pitsa ay galing sa dalawang kompanya na gumagamit ng crypto wallet bilang assets service provider. Ayon kay Yang, nag-provide na rin ang dalawang kompanya ng de­talye “for the know your customer information,” lalo na sa labas ng Pinas.

“Nakapagpadala na rin tayo ng isang preservation order at ‘yung isa ay nakapag-reply na,” ayon kay Yang. “There was a certain amount that was already frozen by that company,” ang dagdag pa niya. Inamin ni Yang na mara­ming junket accounts na pinuntahan ng pera subalit wala siyang exact number. Tsk tsk tsk! Ang dolyares na na-freeze kaya ay mababawi pa ng pamilya ni Que? Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Inamin ni PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil na ang kidnap-slays nina Que at driver na si Armanie Pabillo ay isang eye opener para sa kapulisan dahil ang ransom money ay inilagay sa e-wallet o cryptocurrency na mahirap ma-trace. Ito ay magsisilbing hamon, hindi lang sa PNP, kundi maging sa BSP o Bangko Sentral ng Pilipinas, na humahabol sa mga kasong money laundering.

Ayon kay Marbil, panahon na para sa PNP at mga part­ner government agencies para magpatag ng magandang sis­tema, protocols, regulations at batas upang mahinto na ang paggamit ng e-wallet at cryptocurrency sa mga criminal activities.

“It’s really time for the PNP and other agencies to volt in and stop yung mga ganitong bagay,” ayon pa kay Marbil. “Dapat tanggalin natin yung gripo, as long as nakabukas yung gripo hindi mo mahihinto yan. So we have to stop yung tool nila, ‘yung gripo para matigil ang mga illegal activities,” ang giit pa ni Top Cop. Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?

Base sa imbestigasyon ng SITG, lumalabas na itong si Que, at suspects na sina David Tan Liao, Kelly Tan Lim alyas Wenli, at Jonin Lin ay magkakilala. Ayon kay Marbil sa backtracking ng mga meetings ni Que bago s’ya ma­wala noong Marso 29, lumalabas na si Que at ang mga suspects ay nag-uusap-usap pa. “They know each other kaya nga ang tingin namin, hindi ko masabi kung na entice s’ya dun pumasok (sa rented apartment sa Bulacan),” ayon kay Marbil. “But since they know each other, madaling pumunta si Anson Que doon sa lugar na ‘yun. Walang hesitation kaya bumaba s’ya at pumunta siya sa bahay kasi magkakakilala silang lahat,” ang paliwanag pa ni Marbil. Hinahanting pa ng PNP si Kelly o Wenli na may P5 milyon ng reward. He­hehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!

Sinabi ni Marbil na kausap din nila ang police attache ng Chinese embassy na malugod na nakipag-cooperate, hindi lang sa imbestigasyon sa kaso ni Que, kundi maging sa mga illegal at overstaying na Chinese nationals sa Pinas.

“In fact, ‘yun ‘yung magiging ehemplo natin gaya ni David Tan Liao. You could just imagine he changed his names many times, hindi natin na-detect. So just imagine from 1990 up to 2016 nandito pa siya and he assumed a different name na David Tan Liao at iba pang pangalan,” aniya. Nagulat pa si Marbil na may lisensiyadong baril sa Liao at may birth certificate pa. Ang sakit sa bangs nito! Abangan!