DOST engineer, 1 pa todas sa road mishap sa Nueva Vizcaya


BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Dalawang katao na kinabibilangan ng isang enhinyero ang nasawi habang dalawang iba pa ang nasugatan sa magkahiwalay na aksidente sa bayan ng Quezon sa lalawigang ito, ayon sa ulat kamakalawa.

Ang mga nasawi ay kinabibilangan ng isang 49-anyos na engineer na kawani ng Department of Science and Technology (DOST), at residente ng Tuguegarao City, Cagayan at isang 42-anyos na babae na residente naman ng Barangay Runruno, Quezon, Nueva Vizcaya.

Minamaneho umano ng nasawing enhinyero ang sports utility vehicle nang mawalan ito ng kontrol sa manibela at bumaligtad ang sinasakyan sa pababa at pakurbadang daan na sakop ng Barangay Baresbes sa nabanggit na bayan.

Mabilis na isinugod sa pagamutan ang dalawang sakay ng SUV subalit binawian ng buhay ang enhinyero.

Samantala, nasawi rin ang 42-anyos na babae matapos mahulog ang kanilang sinasakyang tricycle sa pakurbang bahagi ng kalsada sa Barangay Runruno sa nasabing bayan.

Isinugod sa pagamutan ang dalawang sakay ng tricycle kabilang ang driver subalit binawian ng buhay ang babaeng pasahero.