P15.7 milyong puslit na sigarilyo mula Indonesia, nasabat


John Unson — Pilipino Star Ngayon

September 6, 2025 | 12:00am

COTABATO CITY , Philippines — Nasabat at agad na kinum­piska ng mga pulis ang hindi bababa sa P15.7 million na halaga ng sigarilyong gawa sa Indonesia sa isang anti-smuggling operation sa Barangay Central Panatan sa Pigcawayan, Cotabato nitong Huwebes.

Sa mga inisyal na ulat ng tanggapan ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, at ng Cotabato Provincial Police Office, lulan ng dalawang ten-wheeler van-type truck ang sigarilyong mula pa sa probinsiya ng Zamboanga Sibugay na nasabat ng mga magkasanib na mga tropa ng Regional Mobile Force Battalion 12 at ng Pigcawayan Municipal Police Station.

Patungo sana ng Kabacan ang dalawang truck nang maharang ng mga kasapi ng 1203rd Company ng RMFB 12 sa highway ng Barangay Central Panatan.

Ang nasamsam na mga malalaking kahon ng sigarilyong iba’t iba ang mga brand ay nakaimbak sa dalawang truck at pinatungan ng sako-sakong uling at iba pang mga kargamento upang hindi mahalata, ayon sa ulat ng mga barangay officials at mga imbestigador ng Pigcawayan Municipal Police Station.

Ihahatid sana ng mga driver ng dalawang truck, kasama ang kanilang mga helpers, ang kontrabando sa ilang negosyante sa ilang bayan sa Cotabato nang sila ay masabat sa naturang lugar.

Nakadetine na ang dalawang driver at apat na iba pang sakay ng dalawang truck.