September 27, 2025 | 12:00am
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Bukal sa loob na isinaoli ng lokal na pamahalaan ng Obando sa kinauukulan ang 11 sasakyan na kanilang ipinamahagi sa kanilang mga barangay makaraang matuklasan na ang mga ito ay nagmula sa proyektong may bahid ng katiwalian.
Sa Facebook post ni Obando Mayor Ding Valeda bilang lingkod bayan, tungkulin umano nilang tiyakin na ang bawat serbisyong hatid sa mamamayan ay malinis, tapat at walang bahid ng katiwalian.
Ipinahayag ni Valeda na noong 2024, sa mabuting pananampalataya ay bukas-palad na nakatanggap ang lahat ng barangay sa Obando ng mga Travis vans na mahalagang kagamitan para sa mabilis na aksyon at serbisyong panlipunan.
Ang bayan ng Obando ay binubuo ng Brgy. Hulo, Lawa, Paco, San Pascual, Paliwas, Pag-asa, Tawiran, Salambao, Binuangan, Panghulo at Brgy. Catanghalan.
Nang mabatid na ang pinagmulan ng mga sasakyan ay sangkot sa mga proyektong may bahid ng katiwalian, nagpasya ang Obando LGU na isoli sa kinauukulan ang mga tinanggap na donasyong service vehicles. Nakahanda rin ang liga ng mga barangay ng Obando na makipagtulungan sa mga awtoridad at tamang ahensya ng gobyerno kung kinakailangan.
Hindi man direktang sinabi ng alkalde na mula ang mga sasakyan sa isang mataas na opisyal ng DPWH na umano’y sangkot sa maanomalyang proyekto ng flood control projects, sinasabing ito ay tinaguriang “Robinhood” o pilantropo ng mga kakilala at kaklase sa Obando.
Nauna rito, naiulat na isinaoli rin ng Obando church ng isa pang sasakyan na Nissan Navara na umano’y donasyon ni dating 1st District Engineer Henry Alcantara. Natanggap “in good faith” umano ng naturang simbahan ang pickup truck noong Hunyo 1, 2024 para suportahan ang pilgrimage ng imahe ng Birheng Salambao.