October 28, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Patay ang isang biyuda at anak nitong lalaki matapos silang pagbabarilin ng isang security guard sa Brgy. San Antonio, Piddig, Ilocos Norte kamakalawa.
Kinilala ang nasawing mag-ina na sina Maria Theresa Dansalan at anak nitong si Jasper, isang pharmacist at mga residente ng Solsona, Ilocos Norte.
Ang suspek na naaresto matapos ang pamamaril ay nakakulong na at sasampahan ng kasong double murder.
Sa imbestigasyon ang mag-ina ay lulan ng isang motorsiklong may sidecar nang harangin ng suspect na si Rodel Donato, 37 taong gulang, pagsapit sa lugar.
Armado ng cal. 45 pistol ay walang pakundangang pinagbabaril ng suspect ang mag-ina na kapwa duguang bumulagta sa insidente.
Matapos na bumulagta ang mag-ina, mabilis na tumakas ang suspek lulan ng motorsiklo pero nasakote rin ng mga nagpapatrolyang operatiba ng pulisya matapos na makitang may nakasukbit siyang baril sa baywang.
Ang mag-ina ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na kapwa idineklarang dead-on-arrival sa pagamutan.
Lumilitaw sa imbestigasyon na personal na alitan ang motibo sa krimen.
