September 7, 2025 | 12:00am
“SABI ng pamangkin ko, nakita niya na patungo sa direksiyon ng iyong bahay ang dalagita Apol,’’ sabi ni Manang na may-ari ng sari-sari store sa kanto.
“Nakita po kaya nang pumasok sa aking bakuran?”
“Hindi niya nakita. Mayroon kasing bumili kaya nakaligtaan niyang tingnan kung saan na nagpunta ang dalagita.”
“Wala po ba talagang kuhang picture ang pamangkin mo, Manang?”
“Wala. Luma kasi ang cell phone niya. Mas okey pa ang CP ko.”
Napangiti lang si Apol.
“Pero hindi po niya nakita kung bumalik ang dalagita. Kasi dead end na ang kalsada after sa bahay ko. Walang dadaanan dun, Manang.”
“Hindi raw niya nakita nang dumaan pabalik ang dalagita.”
“Saan kaya nagdaan iyon?”
“Nakakakilabot ano, Apol?”
“Medyo nga po pero hindi naman nakakatakot.”
“Palagay ko, engkantada o diwata ang dalagita.”
“Meron pa po ba ngayon nun?”
“Aba oo lalo na dito sa ating subdibisyon. Gubatan daw ito noon. Dito yata nagdaraan nun ang mga Katipunero pagkatapos manggaling kay Tandang Sora sa Banlat.”
“Ang dami mo pong alam sa History ng Pilipinas.”
“Naikuwento lang ng Lolo ko. Ang ninuno raw niya ay tauhan ni Bonifacio.”
“Ganun po ba?”
“Oo. Kaya malaki ang paniwala ko, engkantada ang dalagita.”
Napangiti at napatango si Apol.
Itutuloy