DOTr officials obligado nang mag-commute papuntang opisina


Mer Layson — Pilipino Star Ngayon

September 16, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Simula ngayong l­inggo ay obligado nang mag-commute sa pagpasok sa kanilang opisina ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr).

Ito’y kasunod ng utos ng Pangulo na gawan ng agarang solusyon ang problema ng mga commuters para mabigyan sila ng mas mabilis at mas maginhawang biyahe.

Sa inilabas na memorandum kahapon, inatasan ni Acting Secretary Giovanni Lopez ang mga opisyal ng road and rail sectors na gumamit ng pampublikong transportasyon, nang isang beses kada linggo, para mas makita nila ang mga pa­ngangailangan ng commuters.

“Itong mga opisyal natin sa Road at Rail sector, sila talaga ‘yung mga dapat lumalabas lagi kasi karamihan ng ating mga proyekto ay nasa mga sektor na ito,” ayon kay Lopez.

“‘Yung mga ibang opisyal naman sa ibang sectors, hinihikayat din nating mag-commute dahil ito lang talaga ‘yung paraan para makita firsthand kung ano ba ang nararanasan ng mga commuters,” dagdag pa ng Kalihim.

Pinagsusumite rin niya ng report ang mga opisyal pagkatapos ng kanilang pagko-commute, para magpasa ng mga rekomendasyon at action plan kung paano mapabubuti ang pampublikong transportasyon.

Inisyu ni Lopez ang memorandum matapos na mauna nang nag-commute sa pagpasok sa opisina sa kasagsagan ng Monday rush hour, upang personal na makasalamuha ang mga commuters at makita ang mga nararanasan nila sa araw-araw na biyahe.