COTABATO CITY -, Philippines — Isang drug den operator ang napatay nang manlaban umano habang arestado ang apat niyang kasabwat sa buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Barangay Nabalawag, Malidegao sa Bangsamoro Special Geographic Area (SGA) sa probinsya ng Cotabato nitong umaga ng Huwebes.
Naikasa ng Philippine Drug Enforcement Agency-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang naturang entrapment operation, nagresulta sa pagkamatay ng kilalang shabu dealer at drug den operator na si Masrullah Aliman Guialudin, sa tulong ng mga traditional Moro leaders at mga local executives na sumusuporta sa anti-narcotics campaign ng PDEA-BARMM sa bayan ng Malidegao sa Bangsamoro SGA.
Tangkang aarestuhin na sana ng mga PDEA-BARMM agents si Guialudin at ang apat niyang mga kasama na kanilang nabilhan ng shabu sa isang lugar sa Nabalawag ngunit agad itong naglabas ng baril ng mahalatang mga anti-narcotics agents pala ang kanilang mga ka-transaksyon kaya nagkaengkwentro na nagresulta sa kanyang pagkamatay.
Sa ulat nitong Biyernes ng mga local government officials sa Malidegao at ng pulisya sa Bangsamoro SGA, nasa kustodiya na ng PDEA-BARMM ang apat na kasama ng napatay na si Guialudin na naaresto sa naturang operasyon at nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Edgar Jubay, regional director ng PDEA-BARMM, nakumpiska ng kanilang agents ang 20 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P136,000, at isang .45 caliber pistol mula sa apat na suspek na lahat ay nakadetine na.
