Drug test sa drivers | Pilipino Star Ngayon


SA tingin ko, drug users lang ang tututol sa panukalang mandatory drug test sa drivers. Para sa akin nga, hindi lang PUJ drivers ang dapat sumailalim dito kundi pati ang mga nagmamaneho ng pribadong sasakyan.

Hindi lang naman public utility vehicles ang pinagmu­mulan ng mga malalagim na aksidente. Pati ang ilang pri­ba­­dong sasakyan ay nadadawit din. Kaya sa dalas mang­yari ng ganitong aksidente, dapat lang ang drug test para sa lahat ng humahawak ng sasakyan.

Ang hindi maunawaang pagsudsod ng isang SUV sa departure area ng NAIA na ikinamatay ng 5-taong gulang na bata at isa pa ay malaking palaisipan. Parang namalik­mata ang driver dahil mayroon daw biglang humarang na sasakyan sa harapan niya gayung wala namang nakita sa CCTV camera!

Hindi sa nag-aakusa ako ngunit kung hindi lang alibi ang sinabi ng driver, walang ibang dahilan kung bakit siya namalikmata kundi baka siya’y nasa impluwensya ng alam n’yo na.

Imbes na preno ang tapakan ay silinyador kaya inararo ng sasakyan ang dako ng NAIA na kinaroroonan ng mga taong naghahatid ng pasahero. Nauna rito, isang ma­la­gim na aksidente ang nangyari sa SCTEX sa Tarlac na ang may kasalanan ay ang driver ng bus ng Solid North. Sampu ang namatay!

Katwiran ng driver, nakatulog daw siya! Dahil dito, nais ni Department of Transportations (DOTr) Secretary Vince Dizon na isailalim sa mandatory drug test ang lahat ng PUJ drivers tuwing tatlong buwan.

Tinututulan naman ito ng ilang grupo sa transportas­yon gaya ng PISTON. Magastos daw at pahirap sa ma­hi­hirap. Huwag drivers ang singilin kundi operators kung magka­gayon dahil ang operator ang dapat managot sa mga aksi­denteng kinasasangkutan ng kanilang behikulo.

Higit na magastos kung babayaran nila ang pinsala sa buhay at ari-arian, bukod pa sa bigat ng damdamin kapag may namamatay na pasahero.