Pilipino Star Ngayon
October 10, 2025 | 12:00am
HOUSTON — Mintis ang unang tatlong tirada ni Kevin Durant sa kanyang debut game para sa Rockets.
Ngunit matapos ito ay hindi na siya pumalya.
Bumira si Durant ng 20 points sa loob ng 23 minuto sa 140-127 pagpapasabog ng Rockets sa Utah Jazz sa NBA preseason game.
“I’ve felt right at home since I came here three or four weeks ago, so I felt normal,” ani Durant na nagmula sa Phoenix Suns bago lumipat sa Houston.
Para makuha si Durant ay ibinigay ng Rockets sa Suns sina Fil-Am guard Jalen Green at forward Dillon Brooks.
Nakasama ng 6-foot-11 na si Durant sa starting lineup ng Rockets laban sa Jazz sina 6’11 Alperen Sengun at 6’10 Jabari Smith Jr.
Magbubukas ang 2025-2026 NBA season sa Oktubre 22 tampok ang paghahamon ng Rockets sa nagdedepensang Oklahoma City Thunder at ang laro ng Los Angeles Lakers kontra sa Golden State Warriors.
