Duterte humirit uli sa ICC na pansamantalang makalaya


Malou Escudero — Pilipino Star Ngayon

August 22, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Muling hiniling sa Pre Trial Chamber ng International Criminal Court (ICC) ng abogado ni dating pangulong Rodrigo Duterte  ang pansamantalang paglaya ng dating lider sa hindi binanggit na bansa.

Ito ang ikalawang pagkakataon na hiniling ng kampo ni Duterte na pansamantalang makalabas sa detention facility ng ICC.

Tiniyak ng abogado ni Duterte na susundin ang mga kondisyon at makikipagtulungan sa korte sakaling pagbigyan ang kahilingan.

“For the sake of clarity, the Defence informs the Pre-Trial Chamber that the [REDACTED] continues to affirm its willingness to cooperate with the Court, to accept Mr. Duterte onto its territory, and to enforce conditions of release. The [REDACTED] is, furthermore, fully aware of Mr. Duterte’s [REDACTED],” nakasaad sa dokumentong isinumite ni Nicholas Kaufman, abogado ni Duterte.

Ang dokumento ay may petsang Agosto 19, 2025.

Nitong Hunyo unang hiniling ng abogado ni Duterte sa ICC na palayain siya sa isang hindi ibinunyag na bansa.

Napaulat din na pumayag ang hindi binanggit na bansa na kupkupin ang dating lider.

Sinabi ni Kaufman sa nilagdaan niyang dokumento na kinumpirma ng prosekusyon na hindi kokontrahin ang pansamantalang paglaya ni Duterte.

Kasalukuyang nakakulong si Duterte sa The Hague habang naghihintay ng paglilitis para sa mga kasong crimes against humanity kaugnay sa kanyang war on drugs noong mayor pa ng Davao City at noong maging Pangulo ng Pilipinas.