Dyip yupi sa Hotshots | Pilipino Star Ngayon


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 26, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Kumamada ang Magnolia ng 29 points sa fourth quarter para pagulungin ang Terrafirma, 104-93, sa PBA Season 50 Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.

Sumosyo ang Hotshots sa TNT Tropang 5G sa liderato sa pareho nilang 3-1 kartada at nakabawi mula sa naunang 76-78 kabiguan sa Meralco Bolts noong nakaraang Linggo.

Ito naman ang ikalawang dikit na kamalasan ng Dyip para sa 1-3 marka.

Naglista si veteran guard Mark Barroca ng 17 points para sa Magnolia habang nagdagdag si Jerom Lastimosa ng 16 points, 5 rebounds at 4 assists.

May tig-12 points sina Paul Lee at Ian Sangalang para sa panalo ng tropa ni coach LA Tenorio.

Kinuha ng Terrafirma ang 20-9 abante sa first period bago nakabangon ang Magnolia para agawin ang 50-47 halftime lead.

Muling napasakamay ng Dyip ang manibela sa pagtatapos ng third period, 76-75, bago nagsanib-puwersa sina Barroca at Lastimosa sa final canto para sa kalamangan ng Hotshots.

Pinangunahan nina Paolo Hernandez at rookie JM Bravo ang Terrafirma sa kanilang tig-16 points at may 12 at tig-11 markers sina Aljon Mariano, Ma­verick Ahanmisi at Louie Sangalang, ayon sa pagkakasunod.