MANILA, Philippines — Kasabay ng pagdiriwang ni RR Pogoy bilang ika-101 miyembro ng 5,000-point club ay ang 98-91 panalo ng TNT Tropang 5G kontra sa Rain or Shine sa Game One ng Season 49 Philippine Cup semifinals series kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Tumapos si Pogoy na may 28 points para ibigay sa Tropang 5G ang 1-0 lead sa Elasto Painters sa kanilang best-of-seven semis showdown.
Isinalpak ni Pogoy ang isang three-point shots para sa kanyang ika-5,000 points sa huling 27.4 segundo ng first period.
Nagdagdag si Poy Erram ng 16 markers at may 13, tig-12 at 11 markers sina Brandon Ganuelas-Rosser, Simon Enciso, Calvin Oftana at Jordan Heading, ayon sa pagkakasunod.
Nagtabla sa first period, 23-23, at halftime, 41-41, nakawala ang Elasto Pain-ters sa pagsisimula ng third quarter, 49-44, sa likod ni Gabe Norwood.
Bumida naman sina Pogoy, Heading at Ganuelas-Rosser para agawin ang 69-60 sa kaagahan ng fourth period.
Ang four-point shot ni Pogoy at triple ni Erram ang nagbigay sa TNT ng 10-point lead, 86-76, sa 3:06 minuto ng final canto na naputol ng Rain or Shine sa 91-95 mula kina Andrei Caracut at Jhonard Clarito sa huling 16 segundo.
Ipinasok ni Oftana ang technical free throw mula sa ikalawang technical foul ni ROS coach Yeng Guiao para sa kanyang automatic ejection na naglayo sa Tropang 5G sa 96-91.
Ang slam dunk ni Ganuelas-Rosser ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Tropang 5G.
Pinamunuan ni Caracut ang Rain or Shine sa kanyang 16 points.