Eala balik sa No. 65 sa WTA rankings


MANILA, Philippines — Balik sa No. 65 si Alex Eala sa inilabas na bagong listahan ng WTA.

Bumagsak si Eala sa No. 69 noong nakaraang linggo matapos ang mga bigong kampanya nito sa nakalipas na mga torneo.

Subalit muling umangat ng apat na puwesto ang Pinay netter para manatiling nasa magandang puwesto ilang linggo bago magsimula ang US Open.

Sariwa pa si Eala sa masaklap na opening round loss sa National Bank Open na ginaganap sa Montreal, Canada.

Yumuko si Eala sa kamay ni 2023 Wimbledon champion Marketa Vondrousova ng Czech Republic sa iskor na 6-3, 1-6, 2-6 para maagang mamaalam sa kontensiyon.

Nanatili naman sa No. 1 spot ng WTA rankings si Aryna Sabalenka ng Belarus habang nakabuntot sa No. 2 si French Open champion Coco Gauff ng Amerika.

Nasa No. 3 si Wimbledon reigning champion Iga Swiatek ng Poland habang ikaapat si Jessica Pegula ng Amerika at ikalima si Mirra Andreeva ng Russia.

Sunod na pagtutuunan ng pansin ni Eala ang isa pang malaking torneo kung saan tutulak na ito sa Amerika para sa Cincinnati Open.

Lalaruin ang Cincinnati Open sa Agosto 7-18  sa Lindner Family Tennis Center sa Mason, Ohio.

Nasa entry list ng Cincinnati Open si reigning Australian Open champion Madison Keys.

Ang naturang mga torneo ay bahagi ng pagha­handa ni Eala para sa hu­ling Grand Slam event ng taon — ang US Open na idaraos sa Agosto 24 hanggang Setyembre 7.