Eala bumubuwelo na para sa US Open


MANILA, Philippines — Pahinga muna si Alex Eala matapos ang sunud-sunod na laban nito mula clay court, grass court hanggang sa pagsisimula ng hard court season.

Sa isang Instagram post, ipinakita ni Eala ang larawan sa isang restaurant na nasa tabing dagat at may magandang view.

“Ito ba yung tinatawag nilang eurosummer?” ayon sa post ni Eala sa kanyang social media account.

Magandang pahinga ito para kay Eala matapos itong magkaroon ng medical timeout sa kasagsagan ng laban nito sa first round ng National Bank Open sa Montreal, Canada laban kay Marketa Vondrousova ng Czech Republic.

Kailangan ito ng 20-an­yos Pinay netter upang mabilis itong makarekober lalo pa’t pinaghahandaan nito ang pagsabak nito sa prestihiyosong US Open na gaganapin sa Queens, New York.

Kaya naman nagpasya na rin ang team ni Eala na mag-withdraw na muna sa Cincinnati Open na magsisimula sa susunod na linggo.

Hindi na rin masisilayan si Eala sa Abierto GNP Seguros Ína idaraos naman sa Monterrey, Mexico.

Dahil dito, inaasahang bababa ang puwesto ni Eala sa WTA rankings dahil dalawang torneo ang hindi nito malalahukan at wala itong makukuhang ranking points.