Eala goodbye na sa Canada


MANILA, Philippines — Hindi pina­lad si Filipina tennis ace Alex Eala na umusad sa susunod na round ng National Bank Open na ginaganap sa IGA Stadium sa Montreal, Canada.

Nagtamo ang 20-anyos netter ng masaklap na 6-3, 1-6, 2-6 kabiguan sa kamay ni dating Wimbledon champion Marketa Vondrousova ng Czech Republic sa opening round kahapon.

Mainit ang simula ni Eala na nagpasabog ng solidong laro sa first set kung saan dalawang be­­ses nitong na-break si Vondrousova.

Ngunit agad na buma­ngon si Vondrousova na umarangkada ng husto sa second set gamit ang matatalim na atake at matikas na court coverage.

Mula sa 1-1 pagtatabla, humarurot si Vondrousova na kinuha ang limang sunod na games para makuha ang second set.

Nadala ni Vondrousova ang magandang momento sa final set na naging sandalan nito para tuluyang tuldukan ang kampanya ng Pinay netter.

Nagkaroon pa si Eala ng medical timeout dahil sa shoulder injury na isa sa mga naging dahilan para bumagal ito.

Tumagal ang laro ng dalawang oras at pitong minuto.

Inaasahang magpapahinga muna ng sandali si Eala bago tutukan ang kanyang susunod na torneong lalahukan.

Posibleng bantayan ang iniindang pananakit ng kanyang kaliwang balikat bago pa sumalang sa nakalinyang tournaments nito.

Pinaghahandaan ni Eala ang pagsabak nito sa US Open sa Agosto 24 hanggang Setyembre 7.

Ngunit bago ito, sasabak pa si Eala sa ilang WTA events sa Amerika lalo pa’t desidido itong muling mapataas ang kanyang puwesto sa WTA world ran­kings.