September 22, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Sumadsad si Pinay netter Alex Eala sa No. 58th spot sa Women’s Tennis Association (WTA) live rankings.
Kasalukuyan itong may 1,083 puntos para okupahan ang naturang puwesto — mas mababa ng isang baytang sa kanyang dating posisyon sa WTA.
Ngunit inaasahang muli itong aangat sa pagsabak nito sa Jingsha Open na magsisimula ngayong linggo sa China.
Hawak ni Eala ang top seed sa WTA 125 event dahil ito ang may pinakamataas na ranking sa lahat ng mga kalahok sa torneo.
Puntirya ni Eala na masikwat ang kanyang ikalawang WTA title sa season na ito kung saan nakuha nito ang korona sa Guadalajara Open sa Mexico kamakailan.
Subalit mapapalaban si Eala dahil mahuhusay na netters din ang mga kalahok dito kabilang na sina Xinyu Gao ng China at Erika Andreeva ng Russia.
Aariba rin sina Jodie Burrage ng Great Britain, Talia Gibson ng Australia, Tyra Grant ng Italy, Carol Yee ng Amerika.
Lalaro rin sa event si Ariane Hartono ng Netherlands na nakalaban na rin kamakailan ni Eala gayundin sina Mai Hontama ng Japan, Hina Inoue ng Amerika, Renata Jamrichova ng Slovak Republic at Tamara Korpatsch ng Germany.
Galing si Eala sa kampanya sa Sao Paulo Open sa Brazil kung saan nakaabot lamang ito sa quarterfinals.
Natalo si Eala kay Janice Tjen ng Indonesia sa iskor na 4-6, 1-6 upang tuluyang mamaalam sa kontensiyon.