MANILA, Philippines — Matapos ang matikas na ratsada sa Miami Open, sesentro na ang atensiyon ni Alex Eala sa clay season.
Dalawang malalaking torneo ang lalahukan ni Eala bago ang prestihiyosong French Open na gaganapin sa Mayo.
Una itong sasalang sa Oeiras Ladies Open sa Portugal sa Abril 14 hanggang 20 at sa Mutua Madrid Open sa Spain sa Abril 22 hanggang Mayo 4.
“The clay season is about to start and my next tournament will be in Portugal, the week after next and then I’m gonna be in Madrid and a couple other tournaments that I need to sort out before Roland Garros,” ani Eala.
Kaya namang naghahanda na ang 19-anyos Pinay netter sa matinding laban na haharapin nito.
May ilang international tournaments pa na lalahukan si Eala ngunit hindi pa ito kumpirmado.
“There are some tournaments that weren’t there before but the next two were already in my plans but it doesn’t change a drastic amount. In the end I’m still putting in the same work ethic, I’m putting in the same amount of hours just with more results on my back,” dagdag ni Eala.
Nasa perpektong kundisyon na si Eala matapos magtamo ng minor injury sa laban nito sa Miami Open semis laban kay American Jessica Pegula.
Natalo si Eala kay Pegula sa iskor na 6-7 (3), 7-5, 3-6 para tuluyan matapos ang kanyang kampanya sa Miami Open.
Walang dapat ipangamba dahil sinabi ni Eala na nasa perpektong kundisyon na ulit ito.
Kasalukuyan itong nasa No. 75 sa WTA ranking dahilan para makasiguro na ito ng tiket sa main draw ng malalaking events.
