Eala papalo sa Montreal | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Kakasa si Pinay netter Alex Eala sa iba’t ibang WTA tournaments sa North America bilang preparasyon para sa US Open.

Inaasahang nasa Montreal, Canada na si Eala base sa post nito sa kanyang social media account kung saan nasa business class ito.

“And just like that, we’re off again!” ani Eala.

Nakalinya ang mga torneong lalahukan ni Eala sa WTA.

Una na ang pagsabak nito sa National Bank Open sa Montreal, Canada na gaganapin sa Hulyo 27 hanggang Agosto 7.

Matapos ang torneo sa Canada, babalik sa Amerika si Eala para naman sumalang sa Cincinnati Open na gaganapin sa Agosto 7 hanggang 18.

Ang torneo ay bahagi ng paghahanda ni Eala para sa prestihiyosong US Open na gaganapin sa Agosto 24 hanggang Set­yembre 7 sa New York.

Ito ang ikatlong Grand Slam event ni Eala sa taong ito.

Sanay si Eala sa hard court kumpara sa mga naunang surface sa French Open na clay court at Wimbledon na grass court.

Sa hard court gumawa ng ingay si Eala noong nakapasok ito sa semifinals ng Miami Open sa Florida kung saan malala­king pangalan ang tinalo nito kabilang na si reigning Wimbledon champion Iga Swiatek, reigning Australian Open champion Madison Keys at dating Grand Slam winner Jalena Ostapenko.