October 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tuluyan nang namaalam sa kontensiyon sina Alex Eala at Ukrainian partner Nataliia Kichenok sa Guangzhou Open doubles na ginaganap sa Nansha International Tennis Center sa Guangzhou, China.
Lumasap sina Eala at Kichenok ng masaklap na 7-6 (4) 3-6, 5-10 kabiguan sa kamay nina Katarzyna Piter ng Poland at Janice Tjen ng Indonesia sa semifinals ng naturang 250-level WTA tournament.
Nakipagsabayan ng husto sina Eala at Kichenok para makuha ang dikdikang laban sa first set.
Ngunit agad na rumesbak sina Piter at Tjen sa se-cond set kung saan inilatag agad nito ang 5-3 kalamangan na naging daan nito para maitabla ang laro sa 1-1 at maipuwersa ang deciding third set.
Nadala nina Piter at Tjen ang magandang momento sa final frame upang tuluyang patalsikin sina Eala at Kichenok.
Umabante sa finals sina Piuter at Tjen kung saan makakaharap nito sina Eudice Chong ng Hong Kong at En-Shou Liang ng Chinese-Taipei.
Si Tjen ang tumalo kay Eala sa quarterfinals ng Sao Paulo Open sa Brazil noong Setyembre.
Agad na tutulak si Eala sa Hong Kong para naman sa Hong Kong Tennis Open na idaraos sa Victoria Park simula sa Oktubre 27.
Umaasa si Eala na matutuldukan na ang kamalasan nito sa Hong Kong Open matapos ang sunud-sunod na maagang pagkakasibak sa singles event.
