Eala sibak sa Japan Open


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

October 15, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Hindi pinalad si Alex Eala na umabante sa Japan Women’s Open matapos maagang masibak sa first round pa lamang ng torneo kahapon sa Utsubo Tennis Center sa Osaka, Japan.

Walang naisagot ang 20-anyos Pinay netter sa bawat ratsada ni Tereza Valentova ng Czech Republic para lasapin ang 1-6, 2-6 desisyon.

Solido ang laro ng Czech Republic bet na nagtala ng tatlong aces kung saan may 64 porsiyento ito sa first serve at 50 porsiyento sa second serve.

Nagtala pa si Valentova ng anim na break points para tuluyang tuldukan ang kampanya ng Pinay bet.

Maagang naglunsad ng matikas na atake si Valentova para makuha ang 1-0 bentahe sa pagtatapos ng first set.

Mainit din ang simula nito sa second set na agad na nagtala ng 3-0 kalamangan.

Nagawang pigilan ni Eala ang kamada ni Valentova nang makuha nito ang unang game para sa 1-3 iskor.

Subalit muling bumanat si Valentova ng dalawang sunod para sa 5-1 kalamangan.

Sinubukan pang makabangon ni Eala nang makakuha pa ito ng isang game para sa 2-5 iskor.

Ngunit iyon na lamang ang nakayanan nito matapos humataw si Valentova para makuha ang panalo.

Makakalaban ni Valentova ang magwawagi sa pagitan nina third seed Elise Mertens ng Belgium at Cristina Bucsa ng Spain.

Dahil sa kabiguan, inaasahang baba si Eala sa WTA world rankings. Kasalukuyang nasa No. 54 ito sa WTA.

Ito ang unang torneo ni Eala sapul nang matalo ito sa qualifying round ng Wuhan Open laban kay Japanese Moyuka Uchijima, 4-6, 6-3, 2-6, noong Oktubre 4.