MANILA, Philippines — Makasisiguro na ng tiket si Alex Eala sa main draw ng prestihiyosong 2025 French Open na papalo sa susunod na buwan sa Paris, France.
Ito ang unang pagkakataon na masisilayan sa main draw ng isang Grand Slam event si Eala kaya naman hindi maitago ang excitement nitong muling makipagsabayan sa matitikas na players sa mundo.
Nakatakda ang French Open sa Mayo 25 hanggang Hunyo 8.
“Of course, I’m excited for the Grand Slams ahead, Roland Garros. I know that I will be in the main draw. So I’m very excited about that. My first time to be in the main draw. So it’s a new experience and everything to gain,” ani Eala.
Malaking tulong ang impresibong kampanya ni Eala sa Miami Open noong nakaraang buwan kung saan umangat ito sa No. 73 sa world rankings.
Nakapasok sa semis si Eala sa Miami Open matapos pataubin ang tatlong Grand Slam winners.
Alam ni Eala na hindi magiging madali ang pagdaraanan nito dahil mga world-rated players ang makakalaban nito.
Kaya naman pukpukan ang paghahanda nito para matiyak na nasa perpektong kundisyon ito bago ang French Open.
Hindi naman na bago si Eala sa ganitong sitwasyon dahil napataob na nito sina world No. 2 Iga Swiatek at reigning Australian Open champion Madison Keys.
