Eala vs Falei sa Jingsha Open first round


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 23, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Hangad ni Alex Eala na maipagpatuloy ang magandang rat­sada nito sa WTA Tour.

Pakay ni Eala na masungkit ang kanyang ikalawang WTA title sa pag­larga ng Jingsha Open ngayong araw sa China.

Uumpisahan ng 20-anyos na si Eala ang kampanya nito laban kay Aliona Falei ng Belarus sa opening round ng naturang WTA 125 tournament.

Nakatakda ang bakbakan nina Eala at Falei sa alas-10 ng umaga.

Orihinal sanang lalaruin ang laban nina Eala at Falei kahapon subalit nalipat ito sa Martes.

Kaya naman nagkaroon pa ng sapat na panahon si Eala para makapaghanda sa laban nito kay Falei.

Hawak ni Eala ang No. 1 seed sa torneo dahil sa kanyang kasalukuyang ranking sa WTA.

Lamang na lamang si Eala dahil nasa No. 322 lamang si Falei.

Kung papasok si Eala sa second round, makakasagupa nito ang mananalo sa pagitan nina Mei Yamaguchi ng Japan at Yi Cody Wong ng Hong Kong.

Una nang nagkampeon si Eala sa Guadalajara Open sa Mexico — ang kanyang unang WTA crown sa taong ito.

Sunod na sumabak si Eala sa Sao Paulo Open sa Brazil subalit nakaabot lamang ito sa quarterfinals matapos yumuko kay Janice Tjen ng Indonesia.

Sa Jingsha Open, nakalaan ang $15,500 para sa magkakampeon o halos P9 milyon.

Kasama pa rito ang 160 puntos na malaki ang ma­itutulong para mapaangat ang puwesto nito sa WTA rankings.

Bago tumulak sa China, dumaan muna si Eala sa Pilipinas para sa maiksing pahinga.

Kaya naman inaasahang mas magiging maganda ang ratsada ng Pinay netter sa Jingsha Open.