September 4, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Itinulak ng “Young Guns” sa Kamara ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 2 na naglalayong amyendahan ang 1987 Konstitusyon para mabigyan ng pagkakataon ang henerasyon ng mga batang lider na sumabak sa national elections.
Nakasaad sa RBH No. 2 na magsagawa ng constitutional convention (Con-Con) na naglalayong ibaba sa 35-40 anyos ang minimum age para sa kakandidatong Pangulo at bise Presidente at 30-35 anyos sa Senador sa 2028 national elections.
Sa henerasyon ng mga bagong lider, isa si Pasig Mayor Vico Sotto sa mga popular na pasok sa nasabing kategorya.
Ang nasabing panukala ay inihain nina Deputy Speakers Paolo Ortega V at Jay Khonghun, at Deputy Majority Leaders Ernix Dionisio Jr. ng Manila, Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, Rodge Gutierrez of 1-Rider Partylist, Eduardo Rama at House Committee on Public Information Chairman Lordan Suan ng Cagayan de Oro City, na mga tinaguriang Young Guns.
Ipinunto ng Young Guns na, sa Estados Unidos ang 35-anyos ay kuwalipikadong kumandidato sa presidential elections.
“Panahon na para marinig ang tinig ng bagong henerasyon. Leadership is not about age but about vision, malasakit at kagustuhan na magsilbi. By opening the highest offices to leaders as young as 35, we give the Filipino people a chance to be led by the energy and creativity of the youth, ready to carry the nation forward,” ayon pa sa mga mambabatas.