Pilipino Star Ngayon
November 6, 2025 | 12:00am
Pahinga muna sa isyu ng maanomalyang flood control projects ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at ang tututukan ay ang paglilinis sa waterways sa National Capital Region (NCR). Balak isagawa ang waterways cleanup sa Nobyembre 12. Layunin sa paglilinis ng waterways na mabawasan ang pagbaha sa Metro Manila.
Nakipagpulong si DPWH Secretary Vince Dizon sa Metro Manila Council (MMC), sa isasagawang waterways cleanup at sinabing maglalaan ng P2.14 bilyon para rito. Ayon kay Dizon, ang budget para sa cleanup ay nagmula sa hindi nagalaw na budget ng DPWH. Isasagawa ito sa tulong din ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), local government units, at mga pribadong kompanya. Hindi na raw bago ang cleanup drive, ayon kay Dizon. Matagal na raw itong ginagawa ng LGUs at MMDA pero ang gusto raw ni President Marcos Jr. ay full force ang national government. Sinabi pa ni Dizon na lahat ng area na ma-identify ay lilinisin. Iki-clear at idi-dredge umano ang waterways.
Tama naman si Dizon na dati nang ginagawa ng LGUs ang paglilinis sa waterways subalit “ningas-kugon”—maglilinis ngayon pero sa susunod na araw ay hindi na. Magsasagawa ng pagtanggal sa mga basurang plastic sa estero pero hindi itutuloy at iiwanang nakatiwangwang. Pakitang tao lang ang lahat nang ginagawang cleanup drive. Mas matindi ang pagpapanggap kung malapit na ang election.
Kung talagang nais ng pamahalaan na mawala ang mga basura sa waterways, unahin munang alisin ang mga barung-barong sa pampang. Dapat malaman ng DPWH at iba pang ahensiya ng pamahalaan na ang mga nakatira sa pampang ng estero at iba pang waterways ang nagpaparumi rito. Sila ang nagtatapon nang maraming basura.
Mahusay si Secretary Dizon pero mas dapat na unahin niya ang pag-aalis sa mga iskuwater sa pampang. Kahit linisin niya ang mga waterways sa Metro Manila, hindi rin siya makasisiguro na pagtalikod niya, walang magtatapon ng basura.
Dati nang ipinagbabawal ang pagtitirik ng mga bahay sa pampang ng estero o mga sapa dahil delikado ito kapag bumabaha. Marami nang bahay ang naanod sa mga nakaraang pagbaha noon at kasamang namatay ang mga nakatira. Mayroong buong bahay ang tinatangay ng baha. Kasamang inaanod ang mga basura.
Ngayon ay dumami na naman ang mga nakatira sa pampang ng estero sa Metro Manila. Parang mga nagsulputang kabute na ang buong estero na ang inokupa. Hindi lamang sa pampang ng estero kundi pati sa mga ilalim ng tulay. Hindi na gumagalaw ang tubig sapagkat pati ang basura nila ay sa estero na itinatapon.
Linisin hindi lamang sa basura ang waterways kundi pati na rin sa informal settlers. Ito ang iprayoridad ni Dizon. Mahusay naman siya.
