EDITORYAL — Baha ang nililikha ng basurang plastic


BASURA ang dahilan kaya nagkakaroon ng pagbaha­ sa Metro Manila. Maraming basura sa estero, ilog at iba pang waterways kaya hindi makadaloy nang maayos ang tubig. Dahil sa kapal ng basura sa estero (puwedeng lumakad sa ibabaw) hindi na kinakaya ang baha at aapaw na. Humahantong sa kalye at mga kaba­hayan. Matagal bago humupa ang baha sapagkat ang mga nakabara sa daanan ng tubig ay mga basurang plastic. Inaabot umano nang maraming taon bago tulu­yang matunaw ang mga plastic. Karaniwang mga single-use plastic ang nakabara sa drainage. Kahit ano pang de-clogging ang gawin ng Department of Public Works and Highways (DPWH), hindi pa rin matanggal ang na­kabarang plastic na kinabibilangan ng sachet ng sham­poo, hair conditioner, catsup, soysauce, styro at iba pang plastic tray. Bukod sa single-use plastic, marami ring plastic bottle ng softdrinks, juice, iced tea at iba pang inumin.

Ang nangyaring malaking pagbaha sa Las Piñas City, noong Martes ng gabi ay itinuturong dahil sa maraming basura na nasa estero. Umapaw umano sa baha ang estero nang bumuhos ang malakas na ulan. Dahil sa lakas ng agos, tinangay ang mga kabahayang nasa pampang.

Ang masaklap, isang sanggol ang nabitawan habang nasa kasagsagan ang baha at nalunod. Ayon sa ina ng bata, nawasak umano ang kanilang bahay at inanod ito. Nasagip ang sanggol at dinala sa ospital pero dead-on-arrival ito. Marami sa mga naapektuhan ng baha ang dinala sa evacuation centers.

Basura ang dahilan ng pagbaha at sa kabila nang pa­alala sa mamamayan na magkaroon ng disiplina sa pagtatapon ng basura, marami pa rin ang hindi sumu­sunod. Patuloy ang pagtatapon ng basurang plastic sa kung saan-saan. Itinuturo na mas maraming itinatapong single-use plastic ang mga illegal settlers. Ang basura nila ay tinatapon sa estero o kanal sa halip na ilagay sa garbage bag at hintayin ang pagdating ng trak ng basura.

Basura ang dahilan nang bumaha noong 2009 nang manalasa si Ondoy. Pagkalipas ng 16 na taon, basura rin ang sinisisi sa mga pagbaha sa Metro Manila at lalo pang lumala.

Noong nakaraang taon, umapela si President Ferdi­nand Marcos Jr. sa mamamayan na maging responsable sa pagtatapon ng basura. Ginawa ng Presidente ang apela nang bisitahin ang mga binaha sa Valenzuela City. Ayon sa Presidente, ang basura ang dahilan nang malawakang pagbaha sapagkat bumara ang mga ito sa pumping stations. Nasira ang pumping stations dahil sa rami ng basura.

Ang walang disiplinang pagtatapon ng basura ang dahilan. Magkaroon na ng “kamay na bakal” sa mga magtatapon ng basura. Ituring na itong krimen. Parusahan nang mabigat ang magtatapon ng basura.